Makailang beses ko nang nabasa sa mga dyaryo ang bahagyang pinalalaganap na impormasyon na ang bagong hirang na PNP Chief Jesus Versoza ay dating aktibista sa Unibersidad ng Pilipinas. Headline kanina sa dyaryong Philippine Daily Inquirer ang "Activist in the 70s, Now Chief of PNP".
Hindi iilan sa mga naging pinuno ng pamahalaan at maging ng sandatahang lakas ang naging "aktibista" noong nakaraan. Dating student leader sa Kabataang Makabayan si Orly Mercado, na minsang naluklok sa Senado. Dating sumanib sa New People's Army at tumulong pa ngang pagnakawan ng mga armas ang Philippine Military Academy si Col. Victor Corpuz. Ngayon, wala na sa hanay ng mga opisyal ng pamahalaan sina Mercado at Corpuz, pero hindi pa rin nagsasawa ang media na hanapan ng aktibistang nakaraan ang mga naluluklok sa pampublikong posisyon. Bakit nga ba hindi, kung sa palagay nila'y interesting sa mga mambabasa ang maliit na impormasyong iyon. Laluna siguro kung nagpapakito ito ng malaking pagkakaiba gaya ng sa pagiging aktibista at pagiging pulis.
Nakakapagtaka lamang na kung babasahin ang unang mga linya ng nabanggit kong artikulo sa Inquirer, mapapansing mali yata ang headline. lumalabas na iisang rali lang ang napuntahan ni Versoza noong freshman pa lamang siya sa UP. Syempre, walang tiyak na quota sa pag-attend sa rali para maging aktibista. Ang mahalaga'y kung naiintindihan niya kung bakit siya nagrarali. Pero ayon sa kanya, wala raw noong inaalok na alternatibo ang aktibismo. Napaka-interesting ang kaso ni Versoza dahil freshman siya sa UP noong ipataw ang Martial Law sa bansa. Apat na taon na ang Batas Militar nang makatapos siya sa PMA.
Binanggit din sa artikulo na ang tatay ni Versoza, na isa noong Colonel sa militar, ang nagpasok sa kanya sa PMA. Sabi ni Versoza, wala siyang ibang alam sa PMA kundi ang mga paradang ginagawa nito. Sandali lamang, kung isa kang aktibista, o itinuturing mo ang sarili mo bilang aktibista, siguro naman at dapat ay kilala mo ang pangunahing nagtuturo at nagpapalaki ng mga pinuno ng pangunahing pasistang institusyon ng estado!
Si Lenin (Lenin on Language, 1983) ang unang nagpaalala sa mga aktibista na mag-ingat sa paggamit ng wika, at ng mga salita. Hindi lamang dapat basta-basta gamitin ang salitang "commune" halimbawa kung hindi ito produkto ng mahabang proseso ng kontradiksyon sa lipunan at sa sarili (pansinin ang "Diliman Commune"). At kahit naman hindi ka aktibista, napakahalaga ng sapat na pag-intindi sa mga ginagamit na salita. Dating aktibista nga kaya si Versoza kung hindi naman siya naging aktibista?
Saturday, September 27, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment