Maraming naguluhan sa kung papaano gagawin ang ulat hinggil sa ugnayan ng wika at uring panlipunan partikular sa Pilipinas. Siguro kasalanan ko rin na hindi ko naipaliwanag nang maayos sa klase ang aktibidad. Susubukan kong magbigay ng batayang guideline para sa aktibidad, pero wag sana ninyong istriktong sundin ang guideline na ito. Gaya ng parati kong sinasabi sa klase, mas maganda kung sa inyo manggagaling ang inisyatiba sa diskusyon natin.
Merong limang batayang uri sa lipunang Pilipino batay sa libro ni Amado Guerrero (Chapter 3 Part 2):
1. Panginoong Maylupa (Landlord)
2. Malaking Burgesyang Kumprador (Big Comprador Bourgeoisie)
3. Gitnang Burgesya/Pambansang Burgesya (Middle/National Bourgeoisie)
4. Petiburgesya (Peti-Bourgeoisie)
5. Manggagawa (Working Class/Proletaryado)
6. Magsasaka (Farmers/Peasants)
Mahalaga ang panunuring ito ni Guerrero sa pagsusuri ng lipunang Pilipino. Isang materyal ito na hindi gaanong ginagamit sa akademya (o maging sa iba pang larangan) dahil sa mapangahas na oryentasyon nitong sumasagka sa dominanteng ideolohiya sa bansa at nag-aalok ito ng alternatibong/rebolusyonaryong lapit sa araling pulitika. Hindi iilan, halimbawa, ang naniniwala na mahalagang matukoy ang uring kinapapalooban ninyo para mabatid kung sino ang nagtataguyod, at sa kabilang banda'y sumasagka, sa pagsulong ng bansa tungo sa makamasa, makabayan, at siyentipikong antas nito. Inihahain ko sa inyo ngayon ang artikulong ito para analisahin ninyo sa buo ng inyong makakaya, at gamitin din bilang batayan at lunsaran sa pagsusuri sa ugnayan ng wika at uring panlipunan.
Tunguhin ng aktibidad na ito ang mabatid, kahit pahapyaw lamang, ang paraan ng pagsasalita ng bawat uri. Batay na rin sa marami-rami na ring talakayan sa klase, hindi lamang nangangahulugan ang "pagsasalita" ng kung Ingles ba o Filipino o Tagalog ang wikang ginagamit nila--bagaman sa isang banda ay mahalaga pa rin ito. Gaya ng napatunayan na natin sa klase, higit pa rito ang dinamismo ng wika. Naniniwala ako na mababatid sa paraan ng pananalita ng tao hindi lamang ang kinapapalooban niyang uri kundi ang ideolohiyang namumuno sa kaniya (pwedeng basahin ang mga awtor na sina Bakhtin, Volosinov, Gramsci atbp. hinggil dito). Sa ibang larangan ng akademya, hindi "pananalita" ang ginagamit nila, kundi, tinatawag nila itong "diskurso"--partikular ang mga self-proclaimed postmodernists. Diskurso ang tawag nila rito dahil naniniwala sila na ang mga senyas (salita, imahe, bagay, produkto at iba pa) ay naghahatid din ng iba't ibang pagpapakahulugan. Halimbawa, naniniwala sila na kaya maraming pampaputing produkto at maraming nagpapadaan sa medical operations para tumangos ang ilong ay dahil sa "colonial mentality" ng bansa. Ang nakakalimutang gawin ng mga postmodernista ay ang ikawing ang mga panlipunang trend na ito sa pang-ekonomiyang kalagayan ng bansa. Nakakalimutan nilang sabihin na higit pa sa "colonial mentality", malaki ang partisipasyon ng malalaking burgesya komprador para mahubog ang pag-iisip ng masang Pilipino na "maganda ang maputi". Tandaan na ang mga malaking burgesyang kumprador ang nagdadala ng mga produktong ito sa Pilipinas. Tinutukoy ng mga postmodernista bilang salarin ang isang konsepto (colonial mentality) at hindi ang isang malinaw na uring panlipunan. Ang problema dito ay mahirap labanan o sagkaan ang isang konsepto laluna sa panahong binabaha ng ideolohiya ng naghaharing-uri ang lahat ng uri ng mass media sa bansa. Relatibong magiging mas madali hindi lamang sa pagsusuri kundi maging sa pagtukoy ng mga alternatibong hakbang sa isang lipunan kung tutukuyin ang uring panlipunan na pasimuno ng mga diskursong tinutukoy ng mga postmodernista. Alam kong komplikado ang gawaing ito pero maaari natin itong subukang gawin, kahit man lang para magsimula kayong masanay sa ganitong uri ng pag-aanalisa. Isang uri ng pagsusuri na kadalasa'y hindi itinuturo sa paaralan.
Inaatasan kayo na magdala ng halimbawa o sampol ng pananalita ng bawat uri. Gagamitin kong halimbawa ang pinost ni Eileen (na statement ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa file section ng yahoogroup natin) sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga guide questions (Eileen and group, wag sana kayong mailimita sa mga tanong kong ito):
1. Saang uring panlipunan nanggaling ang statement na ito? (obvious naman ang sagot, magsasaka)
2. Batay sa statement, anu-ano ang mga pangunahing concern ng mga magsasaka sa Pilipinas? Ano ang tunguhin nila?
3. Batay sa statement, anu-ano ang mga pangunahing pinoproblema nila?
4. Anong wika ang ginagamit nila? Bakit kaya?
5. Anu-ano ang mga salitang madalas na lumalabas sa statement? Bakit kaya?
6. Sa mga uri sa Pilipinas, pinakamarami ang bilang na napapaloob sa uring Magsasaka. Sa isang organisadong grupo ng magsasaka nanggaling ang statement na ito. Naiintindihan mo ba ang sinasabi nila? Bago ba o luma ang impormasyon na ito sa iyo? Bakit kaya?
May iba sa inyo na advertisement ang gagamitin. Tandaan ninyo na iba ang oryentasyon ng advertisement sa isang political statement. Marketing ang pinangagalingan ng una, pulitika ang pangalawa. Mas maraming naaabot ang advertisement, relatibong iilan lang ang nakakabasa o nakakarinig ng political statement (laluna ng grupong magsasaka at manggagawa). Higit sa lahat, ang mga myembro lang ng matataas na uring panlipunan ang may pera para magpalabas ng mga advertisement, sila rin ang may kakayanang busalan ang tinig ng mga uring magsasaka at manggagawa (basahin ang blog hinggil sa binanggit ni Pinky na sigalot sa Nestle).
Monday, September 22, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Isa sa mga bagay na hindi napapansin ng karaniwang tao ay ang iba't-ibang uri ng tao sa lipunan na kanyang kinabibilangan. Sa anim na uri na ibinigay ni Amado Guerrero, naisip ko lang, kailangan ba talaga natin ang pag-uuring ito upang manatiling maayos ang takbo ng ating lipunan. Hindi ba maaaring mangyari ang pantay-pantay na lamang lahat? Kung sa bagay, hindi nga naman puwede na ang lahat ng tao ay pare-pareho na lang maging businessman, doktor o abogado. Kailangan nga naman natin ng specialization sa trabaho upang tayo ay umunlad. Kailangan din namang may magsasaka, guro, mangingisda, janitor, drayber, o ofw. Ngunit, bakit kaya hindi pantay-pantay ang biyaya na natatanggap ng bawat tao kapalit ng kanilang paghihirap sa katungkulang ibinigay sa kanila ng lipunan? May mas mahalaga nga bang trabaho? Mas mahalaga ba ang artista sa magsasaka? Mas mahalaga ba ang doktor sa guro? Sa aking pananaw, ang istraktura mismo ng lipunan ang dahilan kung bakit hindi natin nabibigyan ng pansin ang mga bagay na ito. Dahil nakapaloob tayo dito, bihira lamang ang nangangahas na tingnan ang lipunan mula sa labas. Kung gusto man natin umangat sa buhay, kailangan nating magsipag at magtiyaga. Hindi maaaring ang mga nasa taas ang bumaba upang tayo ay guminhawa. Sa huli, ang pagkakaiba-iba ba ng gampanin o responsibilidad nating mga tao ay nagsasabi na magkakaiba din ang katayuan natin sa buhay? Sa aking palagay, tanggap ito sa ating lipunan sa kasalukuyan.
Post a Comment