Hindi nagkaroon ng sapat na panahon para pag-usapan ang ulat kanina nina Pinky, Pat, at Gab. Batay sa pagkakaintindi ko, ilan sa mahahalagang punto na inilabas nila ay ang sumusunod (nilimita ko lang sa iilan). Ano ang masasabi ninyo hinggil sa mga ito?
1. Malaki ang impluwensiya ng mass media sa ideolohiya. Simula nang magkaroon ng iba't ibang paraan ng pamamahayag, ilang kagulat-gulat na reaksyon ang naitala sa kasaysayan. Isa ngang halimbawa rito ang hoax hinggil sa mga punong tinubuan ng spaghetti noodles sa Europa. Pero isang anyo lang ito ng lakas na dala ng mass media. Batay sa pagkakaintindi ninyo sa ideolohiya at batay sa pag-uusap natin hinggil sa ideolohiya (ISA, panopticon at iba pa), sa paanong paraan nagiging impluwensyal ang mass media sa ideolohiya sa lipunang Pilipino?
2. Mahalaga ang binanggit ni Pinky hinggil sa strike ng mga manggagawa sa Nestle. Sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya at ugnayang panlipunan sa bansang Pilipinas, isa sa mga pangunahing opresadong uri ang uring manggagawa. Isang kilalang teoretista ang tumukoy sa tinaguriang "alienation" ng mga manggagawa. Sa madaling salita, dahil sa tipo ng trabahong kinapapalooban ng mga manggagawa, nae-alienate sila sa sarili nila, sa mga kapwa manggagawa, sa produktong nilikha nila, at sa lipunang kinapapalooban nila. Sa paulit-ulit na trabahong ginagawa nila, parang di na sila tao; dahil sa kahirapan, maraming manggagawa ang nag-aagawan sa iilang available na trabaho na nagiging dahilan ng lalong pagbaba ng sweldo at pagtindi ng opresyon sa workplace; bagaman sa kanila ang mga kamay na lumikha ng mga produkto, di nabibili ng mismong mga manggagawa ang kanilang produkto. Lahat ng ito ay limitado pa lang sa loob ng factory, paano pa kaya sa labas ng pagawaan. Modo ng produksyon (mode of production) ang tawag sa ganitong uri ng pagsusuri. Maganda ang punto ni Pinky na dahil sa modo ng produksyon meron tayo sa Pilipinas, hindi gaanong naibabalita ang ganitong uri ng tunggalian (social struggle) sa mass media. Tandaan na una sa lahat, business pa rin ang mass media. Higit sa impormasyon at entertainment, kita (profit) pa rin ang tunguhin ng halos lahat ng uri ng mass medium.
3. Binanggit ni Pat ang hinggil sa RP at accent sa TV. Sa Pilipinas, may mga punto (accent) ang mga mananalita sa telebisyon, tunog-Batangeno (Leo martinez), tunog-"Bisaya" (Yoyoy Villame, Annabelle Rama), at iba pa. Pero mas matinding usapin ang malinaw na demarkasyon sa pagita ng wikang Filipino at wikang Ingles. Sa anong mga klaseng palabas sa TV madalas ginagamit ang Filipino/Ingles? Bakit sa palagay ninyo merong ganitong klase ng demarkasyon? Magbigay ng mga ispesipikong halimbawa (pangalan ng palabas, partikular na mga artista/personalidad).
4. Nabanggit ni Gab ang relatibong equality sa internet sa paraang kahit na sinong Pilipino ay may kakayahan na na magsalita at mapakinggan gamit ang internet--blogging, mailing list, virtual groups, social utility et iba pa. Pero merong realidad na malaking porsyento ng mamamayang Pilipino ang walang internet access. Sa pinakahuling survey, 16% o mga 14-15 million na Pilipino lang ang nakakagamit ng internet--kasama na rito ang mga nagrerent ng internet pangunahin para sa internet gaming.
Wednesday, August 13, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
23 comments:
Sinasabing ang media ang magsisilbing watchdogs ng gobyerno at iba pang sektor para ipaglaban ang mga mamamayan na hindi narerepresent sa lipunan natin, pero sa palagay ko'y hindi ang makapagbigay impormasyon at maging watchdog ng gobyerno para sa mga mamamayan ang una nilang layunin. Sang-ayon ako sa sinabi ni Sir na higit sa pagbibigay ng impormasyon at entertainment, kita pa rin ang unang layunin ng mass media. Walang katotohanan ang sinasabi nilang "serbisyong totoo" at "in the service of the Filipino" dahil hindi iyon ang tunay na layunin nila.
-pinky librada
I believe that the Internet is a place for self-expression but not necessarily that equality exists in it. Hindi lahat ng Pilipino ay media literate at may kakayanang gumamit ng Internet para i-express ang kanilang mga ideya at opinyon sa mga bagay-bagay. Kung marunong man ang lahat na gumamit ng Internet, kahit maipost nila nag kanilang mga saloobin hinggil sa mga nangyayari sa ating bansa, hindi naman ito nababasa o nagiging "known to the public" sapagkat hindi lahat ay may access sa Internet. At kung minsan, the Internet is the reason that we socially isolated.
well, i was moved by the story/news about what is truly happening in nestle. bakit ganun? wala na bang totoo dito sa mundo. sana naman makonsensya ang mga tv stations sa mga sikretong itinatago nila. Wag silang maging mukhang pera. Binigyan natin sila ng sobra sobrang karapatan para ipaalam sa atin ang mga bagay na dapat nating malaman pero bakit di makarating sa atin ang mga importanteng pangyayari sa araw araw nating buhay. NAsaan na ang mga tinaguriang "tagapagtanggol" at "mata" ng mamamayang Pilipino? Wala na nga bang pag-asa malaman ng mga tao ang kasamaan ng mga tao/kumpanya na pinagkakatiwalaan nila/natin?
sabi ng prof ko sa values ed nung high school.. pag mei kahit isang tao lang na naniniwala na may pag-asa pa, meron at meron yan, but every rule has an exception, I think the situation in the Philippines is the exception for this rule. i hate asking this question but i cannot help it... "may pag-asa pa ba ang Pilipinas?"
bulok na ang sistema nito. at lalo pang pinalalala ng mga tao. I want to believe that we can still progress.
pammie from 1-2:30pm WF class
hmm, sa akin lang. nakikita ko rin yung distinction kung kailan ginagamit ang wikang ingles at wikang tagalog sa mga palabas o programa sa tv. katulad nalang ng teleserye ngayon sa abs cbn na "iisa pa lamang". makikita natin na ang mga taong gumaganap ng mga "classy" na roles katulad ni gabby concepcion na isang lawyer sa palabas ay madalas gumamit ng wikang ingles. pati narin sa mga setting na pag nasa isang malaking kompanya, wikang ingles ang medium of communication sa pag salita nila diether ocampo at angelica panganiban sa mga nagtratrabaho sa ilalim nila. samantalang pag mga scenes na ordinaryong usapan lamang sa pagitan ni claudine baretto at ng kanyang ina, wikang filipino ang gamit nila.
so, para tapusin ang aking comment, gusto ko lang sabihin talaga ay parang pili sa mga taong mataas ang estado sa lipunan ang gumamit ng salitang ingles, at sa mga normal na tao lamang ang gumagamit ng wikang filipino. merong "discrimination" kumbaga.
-bobby katigbak
sa aking tingin din, ayon sa sinabi ni gab, ay meron ngang equality sa pag gamit ng internet, sapagkat walang batas, walang nagsasabing bawal gumammit ng internet ang taong mahirap, o ang pwede lang gumamit ay ang taong mayaman.
maari ang rason lamang kaya hindi lahat ay gumagamit ng internet ay dahil sa kanilang desisyon na di gumamit nito. katulad sa mga taong may kapansanan, siguro lang, sa paningin ko, na nasa isip nila na bat pa gagamit ng internet at magbayad, kung mas may maganda pang pwedeng paglaanan ang kanilang mga pera.
yan ay sa tingin ko lamang. hehe.
-bobby katigbak
"Nabanggit ni Gab ang relatibong equality sa internet sa paraang kahit na sinong Pilipino ay may kakayahan na na magsalita at mapakinggan gamit ang internet"
-Sa aking palagay, may kakayahan nga ang maraming may access sa internet para magsalita at magpahayag ang kanilang sariling pananaw tungkol sa mga bagay-bagay.
Pero, hindi sapat ang kakayahang ito upang kumuha ng atensyon at pagbibigay ng puntos para sa mga mambabasa upang ang taong nagpapahayag ay pakingan o pansinin man lang.
Halimbawa nito ay ang tungkol sa mga usaping legal o politikal. Ang isang karaniwang mamamayan ay may karapatang mag-pahayag ng niloloob o bumanggit ng mga puntos para o anti sa mga namumong issue. Pero, babasahin ba naman ito ng kahit sino kung ang nagpahayag ay hindi propesyonal na kilala sa paggawa ng batas, huwes, news anchor, o nasa lehislatura?
Ipag-palagay na nating may access ang lahat ng Pilipino sa internet at lahat ay gagawa ng entry. Kaninong entry ang babasahin? Kanino ang bibigyang pansin? Ito ay ang mga taong may nasasabi sa lipuna. Mga elitista, opisyal ng gobyerno, may access o madalas makita sa TV, Radyo, dyaryo, at mga propesor sa mga tanyag na unibersidad lamang ang bibigyang pansin. Paano natin masasabing
may equality kung sa pamimili pa lamang ng babasahin ay may bias na ang mga mambabasa?
Halos sa pang-araw-araw na buhay nating Pilipino, napakalakas ng impluwensiya ng mass media. Nakikita naman ito sa panlabas na anyo natin at ang paraan ng pag-iisip natin ng pagkilos natin tungo sa ating kapwa. Ang mass media ay para bang lumilikha o nagmomolda ng stereotyping at napapasunod na lang ang mga manonood o tumatangkilik nito. Kahit na walang nagsasabi sa atin na ganito dapat ang ikilos, napapakilos na lang tayo nito. Para bang common o parte ng norm natin ang mga ito. Halimbawa, bigla na lang tayong tatayo para pumalakpak sa isang palabas o tatahimik pag oras nang magdasal. Wala naman nagdidikta sa atin na gawin ang pagkilos na iyon.
Isa pa na napansin ko na matinding impluwensiya ng mass media sa atin ay nauuna ang nosyon ng ideal kaysa sa realidad. Tulad na lang ng mga pinapakita sa mga palabas na para bang lahat ay pwedeng maging ideal at mayroong perpektong imahe tulad ng kagandahan na batay sa Western ideals o kaligayang . Ang epekto? Tumataas ang ating expectation na makahanap nga ng halimbawa, perfect na relationship. Ang malala pa kung lumayo na ang isa sa realidad.
Bakit kaya ganito? Ang naisip ko lang ay ngayon, focus na ng mass media na hindi lamang makahatid ng magandang balita o pahayag kundi ang kumpetisyon sa iba pang channels at syempre profit-oriented na ang mass media. Bakit nga naman gagawa ng palabas, musika, etc. na di-aangkop sa panlasa ng mga Pilipino? Syempre dun na sila sa tried and tested formulas na talagang tatangkilik ng mga Pilipino. Kung baga, infotainment na nga ang tawag sa karamihan ng mga palabas ngayon.
Tungkol naman sa sinabi ni Pinky tungkol sa kapitalismo, di ko lubusang maisip na talagang masama ang naging epekto nito sa mamamayan. Ito ang nais ko sanang itanong sa nakaraang pagkikita natin. Kung iisipin, para sa aking opinyon, ay kung di umusbong ang konsepto ng kapitalismo, e di walang middle class. Tama kaya ang naiisip ko? Ang alam ko nga ay dahil sa kapitalismo, nagkaroon ng mas maraming oportunidad ang mga mamamayan na makapagtrabaho at may umahon din naman sa kahirapan. Oo nga, nag-rise ang mga machineries o ang teknolohiya, nag-focus sa kapital, pero di kaya dahil din doon ay nagbigay ito ng oportunidad na mas malawak dahil mas madaming choices ng labor? Napapasa-pasa ang produkto sa iba’t-ibang sangay ng lipunan para ipagbili ang produkto.
Sa mode of production, di talaga maiiwasan na matabunan ang hinain ng mga workers sa mga nagsisilakihang factories. Syempre ang may-ari o ang mga nagkokontrol ng kumpanya o pabrika ay may means (pera) para takpan ang di nila tamang ginagawa- di ayon sa labor code. Kapangyarihan, koneksyon at impluwensiya ang pinag-uusapan lagi dito kaya di napapag-tuunan ng pansin ang maliliit na sektor ng ating lipunan. Dapat nga kung sino pa ang mas nakakaangat at may malaking business, sila dapat ang nangunguna at sumusunod sa labor code ng Pilipinas.
Ang demarkasyon sa mga palabas ay inaangkop sa kung anong uri ng manonood ang gusto nilang i-target. Nagkakaroon ng demarkasyon dahil na rin inuuri ang tema o genre ng palabas o kung ano ang nababagay. Ang setting din ng palabas ay binabatayan din- to distinguish which character came from the province or from the city. Halimbawa, ang mga palabas na nasa Filipino ay syempre tayo ang focus dito- ang mga Pilipino. Madaling makuha ang atensyon sa halos lahat ng antas, mahirap man o mayaman, kung sariling wika natin ang gagamitin- mas madaling intindihin. Ang mga wikang nasa Ingles naman ay mga imported na palabas- Western o European na palabas. Pwede rin naman na pang-formal naman ang paggamit ng Pilipinong palabas kung Ingles ang gagamitin. May iba pa ring late night news tayo na Ingles ang gamit sa pagbabalita. Sa mga palabas naman, siguro mga may kaya o may class na roles ang may halong Ingles ang pananalita. May certain stereotyping o pattern ng palabas ang angkop dito- kasi kung pala-Ingles ka, marahil either galling ka sa ibang bansa o mayamang pamilya. Ang paggamit ng wikang Filipino o Ingles ay may demarkasyon, kakikitaan kung pang-masa man o hindi.
Isa sa mga napansin ko ay si KC Concepcion. Dati rati’y pala-Ingles siya pero kalaunan, nang magsimula siyang lumabas sa pelikula, nagsasalita na siya ng Filipino. Ang assumption ko dito, marahil, gusto niyang maabot ang suporta ng masa o makahakot ng fans. Kung pala-Ingles siya, marahil iisipin ng karamihan na ito’y napapabilang, mahirap abutin at di siya pang-masa.
Si Manny Pacquiao na talaga naman mapapansin ang kayang punto. Iba ang kanyang pananalita kung ikukumpara sa mga Tagalog. Sa tingin ko nga ay di lang sa pagboboxing siya nakilala kundi sa kanyang tono at pag-pronounce ng mga words. Pero, para sa akin, may dating siya sa masa dahil sa kanyang angkop na imahe at alam mo na si Manny ang nagsasalita.
Ang tungkol naman sa teknolohiya gaya ng computers. Para sa akin, ang konsepto ng equality ay di natatamo ng lahat lalo na sa developing country tulad ng Pilipinas. It seems that if you have technology, you can reach everything. But for me,when it comes to Filipino society, it widens the gap between the well-off and the underprivileged society. Kita pa lang sa brand ng cellphones. Nakakagulat nga ang statistics na sinabi ni Sir Siao. Siguro kung pupunta ako sa mga kapuluan ng Pilipinas, makikita ko marahil na di pa widespread ang teknolohiya gaya ng paggamit ng computers.
Abby Villaflor from 1-2:30 WF class
Lorraine Chua (WF 1-2:30):
Para sa akin, talagang maimpluwensya ang mass media sa bawat indibidwal sapagkat dito nakikita o naririnig ang tinitingala ng madla. Ito ang nagsasabi kung ano ang "DAPAT" o "MAGANDA" sa mundo. Isang halimbawa dito ay ang pagiging payat na siyang nagiging sexy sa patingin ng lahat kaya nga ba ang daming nagpapapayat at ang daming produktong pampapayat. Halos lahat ay gumagawa ng paraan upang makamtam ang pagiging payat. Isa pa rito ay ang pagiging paputi. Kung iisipin natin, sino ba ang nagsabi na maganda ka kapag maputi ka? Tinatatak kasi ng media ang ganitong itsura lalo pa dinagdag ang pagtitingala natin sa mga Amerikanong mapuputi.
Ang paggamit ng wika ay depende sa kung sino ang gusto kausapin ng mass media. Depende ito sa kung sino ang “target” na mamimili o manunuood. Sinisimbolo na ang paggamit ng Ingles ay nagpapakita ng pagkamayaman o intelektwal habang ang paggamit ng wikang Filipino ay karaniwang mamayanan lamang. Halimbawa, sa palabas na Wowowe ang ginagamit na lengwahe ay Pilipino habang ang The Correspondence ay gumagamit ng Ingles. Ganito ang ginagawa nila sapagkat ang nanunood sa Wowowe ay mga masa na karamihan ay kulang sa edukasyon kaya para maintindihan nila ay kailangan gamitan ng ating wika. Habang ang mga nanunood ng The Correspondence ay mga nagtratrabaho sa opisina o intelektwal na tao. Sila ay nakapag-aral ng wikang Ingles kaya maiintindihan nila ito.
Ang paggamit ng “Internet” ay talagang nakakapagpadali ng buhay ngunit hindi natin maikakaila na marami pa rin ang wala nito. Makakasulatt ka nga ngunit hindi naman lahat ay makakakita at makakabasa nito. Kaakibat ng pagkakaroon ng kompyuter at “internet” ang pagkakaroon ng edukasyon. Kung wala ang edukasyon paano ka pa mamakapagbasa ng mga nakasulat. Paano mo rin maiintindihan ang nakasulat kung wala kang sapat na kaalaman sa mga letra at ibig sabihin. Marami pa sa atin ang hindi nakakapag-aral, paano pa kaya ang pagkakaroon ng sariling kompyuter? Makikita rito na marami pa ring hirap sa buhay at hindi pa tayo maituturing na “develop country”.
robert tinio WF(1-2:30)
Nagulat ako sa sinabi ni pinky sa mga manggagawa ng nestle sa laguna. Bakit hindi binabalita ng mga tv stations ang problema na ito. Akala ko pa naman ay wala silang pinoprotektuhan at walang kinikilingan. Sobrang laki ng tiwala na ibinibigay ng mga tao sa media na inihahatid nila ang lahat ng mga balita ng tama, walang dagdag at walang bawas. Siguro nga malaking bagay ang kita na nakukuha nila sa mga advertisement ng nestle. Dahil sa kita na ito, nagbubulag-bulagan na lang sila sa problema kinakaharap ng mga manggagawa. Ang nangyayari ay mga balita lamang na makakabuti sa kanila ang kanilang ipinaaalam sa mga tao. Ang kanilang pinalalabas sila ay kakampi ng masa at handing banggain ang sinumang malaking tao o kumpanya. Ngunit ang lahat ng ito ay walang katotohanan.
Tungkol naman sa nabanggit ni gab tungkol sa pagkakapantay-pantay sa paggamit ng internet, totoo nga na nagkakaroon ng equality ang lahat sa pagpapahayag ng saloobin. Ngunit dito pumapasok ang sinasabing nilang unreliable source ang internet. Dahil nga na sinuman ay maaaring magpahayag sa internet, wala tayo kasiguruhan na ito ba ay tama. Hindi katulad ng mga tradisyunal na mga libro na pinag-aralang mabuti ng mga propesyunal bago ilabas, sa internet ay kung sinu-sino lamang ang naglalagay na walang sapat na kaalaman. Dito na lumalabas ang inequality ng mga gumagamit ng internet, siyempre mas babasahin ang mga isinulat ng mga kilalang tao na may sapat na kaalaman sa pinag-uusapan kaysa sa isang ordinaryong mamamayan na gumamit ng internet.
Sa anong mga klaseng palabas sa TV madalas ginagamit ang Filipino/Ingles? Bakit sa palagay ninyo merong ganitong klase ng demarkasyon? Magbigay ng mga ispesipikong halimbawa (pangalan ng palabas, partikular na mga artista/personalidad).
~ Pansin ko na madalas ginagamit ang wikang Filipino sa mga palabas tulad ng "Kay Susan Tayo-GMA 7" , "Wish Ko Lang-GMA 7", "Balitang K-hindi ako tiyak dito kasi di ko na maalala ang title ng palabas ni Korina Sanchez sa ABS-CBN" at mga katulad nito. Batay sa mga nabanggit kong mga palabas mahihinuha na masa ang pangunahing mga viewers.
Mga palabas naman tulad ng "F" -(tungkol sa fashion), at karamihan sa mga palabas sa Studio 23 tulad ng MYX, at mga talk-shows ay nasa wikang Ingles. Bakit? Kasi karamihan sa mga nanonood ng mga ganitong palabas ay parte ng kung tawagin ay 'alta-syudad'.
Nagiging basehan kasi ang Ingles sa kung anong lebel ka sa lipunan. Mayaman kung bihasa ka mag-Ingles. At 'cool' daw o di kaya'y 'in' kung bihasa. Medyo may-kaya kung marunong lang mag-Ingles at bagamat pangit pakinggan ay walang-kaya o pobre ang 'tag' sa hindi marunong mag-Ingles.
~ Napansin ko ang demarkasyong ito habang nanonood ng 'Sharon' sa ABS-CBN. Ingles ang gamit ni Sharon Cuneta (host) habang nakikipag-usap kay Ruffa pero Filipino kay Anabelle Rama. haha..natawa na lang ako.
Sa aking opinyon, ang mass media ay naging parte na ng buhay ng isang tao. Dito na halos nakukuha ang mga impormasyon o kaalaman ng isang tao, lalo pa ngayon na may internet na. syempre kung anu ang nakikita sa mga telebisyon, naririnig sa mga radio at kung sa paanung pamamaraan ng mass media, ay iyon ang pinaniniwalaan.
Ang una ko talagang napansin ay ang paggamit ng wikang Filipino sa mga primetime teleserye sa telebisyon. Marahil ay sapagkat mga masa o karaniwang mahihirap na Pilipino ang nanunuod nito. Mapapansin na halos hindi sila gumagamit ng ingles hangga’t maari (ito ang napansin ko sa ch. 7)
Napansin ko lang din ang madalas na pagpapalabas ng mga fantaserye sa telebisyon. Tulad na lamang ng dyesebel sa ch.7 at dyosa sa ch. 2.
Hinggil naman sa nestle issue… hindi ako makapaniwalang may ganoong nangyayari sa paligid na hindi ipinalabas sa telebisyon. Kasi sa aking pagkakaalam, halos lahat ng nangyayari ay ibinabalita lalo na ang ganyang mga bagay. Paminsan ay nanunuod ako ng XXX at imbestigador na nagpapalabas ng mga ganyang issue sa lipunan. Siguro nga hindi natin masasabing “watchdog” ng lipunan ang mass media dahil na rin siguro sa kapangyarihan at pera.
Tungkol naman sa pagkakaroon ng equality sa internet… mapapansin na nauuso na ang mga blogspot, friendster, multiply at kung anu-ano pa.dito karaniwang pinapahayag ang mga saloobin ng kabataan. Pwede na nilang palitan ang kanilang pangalan kung may sinasabi silang sensitibong issue. Ang napansin ko sa may malapit na computer shop sa amin, ay maraming bata ang nahuhumaling sa mga games sa computer o internet.
~nerissa~
Bago ko tukuyin ang tungkol sa salitang ingles, gusto ko munang bigyan ng pansin ang isa sa mga palabas ng GMA-7 tuwing hapon na Daisy Siyete. Napansin ko kasi rito na ang salitang bisaya ay na-e-emphasize. Ewan ko, siguro dahil sa kadahilanang ang mga gumanap rito ay mga bisaya.
Ang palabas na palaging ingles ang kanilang ginagamit ay ang midnight news ng Q-TV. Kung saan si Ivan Meyrina ang anchor nito. Napansin ko lang na ingles ang ginagamit nito sa pagsasalita. Hindi ko alam kung bakit, dahil kung tutuusin mga mamamayan ng bansa ang pangunahing pinag-uukulan nya ng balitang ito. Ang hindi ko lang mawari ay kung ito ay pinapalabas sa ibang bansa gay ng BBC News na pinapalabas sa'tin. Pero sabihin mang pinapalabas nga ito sa ibang bansa, tingin ko pa rin ay hindi tama na ang wika nila ang ating i-promote. I mean, ang pilipinas pa rin ang dapat i-prioritize.
Napansin ko rin na karaniwan sa mga shows ng Q-TV ay ingles ang ginagamit na medium, gaya nalang ng Proudly Filipina, hosted by Ms. Charlene Gonzales-Mulach. Hindi ko alam kung ano ang dahilan nila. Kung susumahin, mga pilipino naman ang major audience nya eh, mga tungkol sa mga matagumpay na Filipina ang main idea ng show. At kung nakapanood na kayo ng serye nito, mapapansin niyo na may parang paanyaya rin na magsulat ang sa tingin niyoy kahahanga-hangang pilipina na nagpabago sa pananaw niyo sa buhay(ito ay nasa salitang pilipino) kayy nga mas naging obvious na pilipino ang pangunahing pinatutungkulan ng show na ito. Pero ang buong pagpapahayag ay nasa salitang ingles. Ang iniisip kong dahilan kaya ganito ang nangyayari, dahil siguro sa mga matagumpay, eventually, mnaging parte ng middle class, iniisip nila na kung ingles ang pag-uusap ay mas nae-emphasize na ayun nga, successful na sila.
Ang ibig kong sabihin, aminin man natin o hindi, hindi ba't kapag ang isa ay magaling sa ingles, iniisip na natin na may mataas silang pinag-aralan- stereotyping ba. Kaya iyon ang tingin kong main reason kung bakit sila nag-iingles.
yun lang.
Jed= jedieryn jane moreno ng 1-2:30 WF class
may naisip lang ako tungkol dun sa na report ko.
kung sakali lang talaga na lahat ng mga Pilipino ay mabigyan ng access sa internet, tapos dagdagan pa natin ng kunyari isang parang site na kung saan lahat ng pinopost dito na mga messages ay makikita ng mga government officals, eh di sa tingin ko isang way na talaga to para makapag "voice out" yung may mga "masasabi" talaga. Sa palagay ko kasi, madami talagang tao na may mga magagandang idea, may mga comments na talagang pag pinakinggan ay makakatulong siguro sa ating society. Pero isang drawback nga lang nito ay syempre dapat lumabas talaga ung "equality" dito, given na may site na nga for comments yet syempre dapat may mga set of rules na mag gogovern dito at problema lang kung sakali ang pamahaalan din natin ang mag fafacilitate dun sa site eh, most probably sila rin ay may kakayahan na magbago at i edit ung rules sa paggamit sa site, so in the end, na ma-manipulate parin ung rules so loss of equality parin..point ko lang ideal place ang internet to express ourselves freely and to promote equality kung lahat ay may disiplina at may respeto sa isat isa.. sad to say sa ating society ngayon.. hindi na ito ganun ka applicable.
ely borjal 1-2:30
Sa mga huling pagkikita sa fil40, nabanggit ni sir Siao ang tungkol sa "st" na may kinalaman sa language and media. Minsan ko nang nakita ang terminong iyon sa comics na pugad baboy(PB), kaya ito'y hinanap ko ulit. Nakita ko ito sa 1996 issue ng PB, at talagang may kinalaman sa issue ng "sex strip" noon. Di ko akalain ng isang Manny Villar ang gagamit nang litanyang iyon para sa kanyang kampanya. Euphemism ang kanyang ginamit dahil pilit nyang binago ang ibig sabihin nito sa masa. Hanggang ngayon di ko maisip kung bakit sa lahat ng istilo o litanyag pwedeng gamitin ay ang st pa. Isang walang kwentang istilo para sa isang tumatakbo noong alagad ng gobyerno.
Mapa politika, showbiz, o kahit sa mga ordinaryong commercials, dalawang bagay lang ang kayang gawin ng media, ang mang baba ng reputasyon, ideolohiya at kapangyarihan o iangat ang mga ito. Di ako naniniwala na sa media, may neutral side. Kailangan mayroon silang(kahit papaano)panigan kung hindi ay wala silang maibebentang balita sa publiko.Kaya para sa akin kalokohan talaga yung mga "punchline" na "walang kinikilingan...". Oo nga't may katotohanan ang binabalita, pero sigurado ba na BUO ang binabalita? Kung ano ang makita ng publiko ay siyang paniniwalaan niya. Kung ang tao ay kulang ang edukasyon, karanasan at kulang sa pagsusuri sa mga bagay na nangyayari sa paligid niya, magiging malaking bagay ang mga nakikita sa media sa kung ano ang paniniwalaan niya.
Naniniwala ako na dito sa Pilipinas, ang Ingles ay ginagamit ng mga taong kabilang sa mataas na uri ng pamumuhay. Naniniwala ako na dito sa Pilipinas mas tumataas ang tingin sa mga taong magagaling mag Ingles. Di ito palabas, pero gusto ko lang punahin ang nakaraang binibining Pilipinas, kung saan "star of the night" si Janina San Miguel. Pwede naman kasing mag Tagalog, kung sa Miss Universe nga ay pwedeng mag Tagalog. Ngunit mas pinili niyang sagutin ang tanong sa Ingles na alam ng lahat ng nanood na hindi niya kaya kaya naging katawa tawa siya. Hindi ko alam kung bakit noong binasa ko ang topic tungkol sa demarkasyon sa Ingles at Filipino ay ito ang naisip ko. Siguro kasalanan ito ng wowowee, dun sa Miss fitrum portion nila. Buti na lang di ko tinapos.
Kung hindi pa iniulat ni Pinky sa klase ang balitang iyon na tungkol sa Nestle, marahil ay hindi ko talaga malalaman ang tungkol doon. Hindi ko alam kung ganoon na ba ako ka-walang alam sa nangyayari sa bansa o sadyang hindi lang talaga nag-abala ang media na maglabas ng pahayag ukol dito. Nakakalungkot.
Nakakalungkot dahil tila nababahiran na ang tunay na layunin ng media na magbigay impormasyon sa tao. Nagagawa nilang magtago ng katotohanan para sa pera at imahe. Nagbibingi-bingihan sila sa mga nagsisigawang boses ng mga naaagrabyadong Pilipino.
Nakakalungkot dahil wala na talagang sinasanto ang pera. Maraming nagsasabi sa atin na hindi lamang pera ang nagpapatakbo sa ating buhay. Ngunit bakit ganoon? Tila hindi mapanindigan at mabigyang-katunayan ang kasabihang ito?
Tila napakasakim na talaga ng ibang Pilipino ngayon. Lubusan nilang ginagamit ang kanilang kapangyarihan para makuha nila ang gusto nila. Oo, napanatili nila ang kanilang minimithing magandang imahe at nag-uumapaw na kayamanan, ngunit hindi ba sila nababagabag na sa kabila ng kanilang natatamasa ay mas maraming Pilipino ang namamatay sa gutom at kawalan ng trabaho?
Kailan nga kaya mabubunyag ang baho ng mga makapangyarihan? Kailan kaya maririnig ang boses ng karamihan? Kailan kaya mapipigilan ang media sa pagkain sa ating lahat nang buhay?
Ria Ison, WF 1:00-2:30pm class
gusto lang sana ishare ang nabasa ko na may kaugnayan naman sa issue ng pagkakaroon ng equality sa internet. base sa nabasa ko na isang teacher ay gumawa siya ng parang account sa internet upang magamit ng kanyang mga estudyante na ivoice out ang kanilang mga karanasan na hinggil din sa gender at sexism. sa tingin ko na sa pamamagitan ng internet ay pwede mong mailahad ang iyong mga opinyon kahit na hindi isaad ang tunay mong pangalan. may isa pang maaring koneksyon ang nabasa ko sa fil40.. ang paggamit ng mga bodyparts, gender o may kinalaman sa physical appearance ng isang tao sa id accounts ng mga estudyante gaya ng boobsieme_06, gwapoako987, cutecharmingboy at marami pang iba.
~nerissa cruz~
1-2:30
Napakalakas ng impluwensya ng mass media sa ating mga Pilipino. Naging malaking parte na nga ito ng ating pamumuhay. Sa lakas ng impluwensiya nito, ang paraan ng pananamit natin, halimbawa, ay isa sa mga aspetong naaapektuhan ng mass media. "In" ka kapag nakakapagsuot ka ng ine-endorse ng isang sikat na personalidad. Para bang may nagdidikta sa atin na ganito ang "in" o uso ngayong panahon na dapat nating isuot, ngunit wala naman. Sa palagay ko, ang pinagbabasihan ng bawat isa sa atin ay ang sasabihin ng iba. Parang 'yung ibang tao yung naiisip natin na "tumitingin" o nag-dya-judge sa atin sa kung paano tayo manamit.
Isa pang halimbawa ay noong nauso 'yung pouting lips at sexy figure ni Angelina Jolie. Maraming artista ang nagpakapal ng labi at nagpadagdag ng dibdib at ng kanilang behind at nagpa-lipo para maging sexy. At dahil uso ang gayon, naglabasan ang mga klinikang pampaganda at syempre, dahil likas na sa ating mga Pinoy ang magpaganda at sa colonial mentality na meron tayo (ang konsepto natin ng maganda ay sexy, maputi at anything na European-beauty), marami ang nagpunta sa mga klinika at gumawa ng sariling paraan para lang maging "in" dito. Ganon kalakas ang impluwensya ng mass media na pati ang mga can't-afford na mamamayan, nakakagawa ng paraan para lang ma-achieve 'yung kagandahang nais nila.
Noong Agosto 16, 2008, nakapanood ako ng isang episode ng Wish Ko Lang. Ang featured story nila doon ay isang bading na umiidolo kay Ehra Madrigal. Meron siyang koleksiyon ng mga posters at mga articles at lahat ng tungkol kay Ehra. Sa sobrang pagka-idolo niya sa artista, nagpagawa pa siya ng swimsuit na sinuot ni Ehra sa isang magazine. Ganon naapektuhan ang kanyang pagkatao ni Ehra, at ng media bilang pangkalahatan.
Isa pang halimbawa ang iyong mga gatas na iniinom ng mga bata. Lahat ng brands ay may estratehiyang ganito: sinasabi nila na ang produktong gatas na binebenta nila ay nakakapagpatalino ng bata, kung kay't maraming ina, na ang nais lamang ay ang ikabubuti ng kanilang anak, ay tumatangkilik ng mga ganitong produkto na makakapag-enhance sa kakayahan ng bata upang mag-excel sa eskwela. Nakakadagdag din ng appeal sa tao, lalo sa mga ina, na ang mga nag-e-endorse ay mga ina na may gifted child.
Sa mga halimbawang aking nabanggit, makikita namang malakas talaga ang impluwensiya ng media. Sa lakas nito, pati ang news world, na siya nating naaasahan sa mga makatotohanan at malayang pamamahayag, ay apektado na rin.
Nabanggit sa discussion sa klase ang tungkol sa opresadong manggagawa ng Nestle sa Laguna. Nakakagulat lang kasi personally, isa sa mga shows na alam kong maaasahan ay ang news programs. Kita naman natin na sa kanila tayo nakakakuha ng mga impormasyon tulad na lang kapag may papasok na bagyo sa Pilipinas at ang anunsiyo ng walang pasok. Hehe. Kidding aside, the Nestle issue came to me as a surprise kasi isa itong napakalaking issue na napapagsawalang-bahala at tila kinakalimutang ipahayag sa madla ng media. Kung tutuusin nga, mas dapat binibigyan ng portion sa news programs ang mga usaping tumatalakay ng mga anumalyang nangyayari sa lipunan tulad nito nang ito'y mahinto at maaksiyunan, kaysa sa mga showbiz balita na kanilang pinapahayag at binibigyang-pansin.
Dahil sa modo ng produksiyon natin dito sa Pilipinas, napipilitan ang mass media na huwag itong ilahad dahil aminin natin, malaki ang kinikita ng mga istasyon sa pagpapalabas nila ng patalastas ng mga produkto ng Nestle. Pero nakakalungkot lang talaga dahil ang mga manggagawang Pilipino, na siyang gumagawa o nag-o-operate ng mga makinarya panggawa ng produkto nila, sila pa ang opresado at dahil ang mga istasyon ay nababayaran at ang news na pinapahayag ay nasasala na, nawawalan ng "boses" 'di lamang ang mga manggagawa, pati na rin ang mga ordinaryong mamamayan.
Ang Pilipinas ay isang bilingual na bansa kung kaya't mapapansin natin ang madalas na paggamit ng wikang Filipino at wikang Ingles. Ngunit, kapansin-pansin din ang demarkasyon sa paggamit ng dalawang wika na ito sa mga palabas sa TV at mga programa sa radyo.
Sa mga palabas sa primetime, tulad ng Iisa Pa Lamang (Gabby Concepcion at Claudine Baretto) at Marimar (Marian Rivera at Dingdong Dantes), makikita na ang demarkasyong ito. Parehong palabas ay may konsepto na may mahirap dati (Claudine at Marian) na biglang yumaman later on. Nung mahirap sila, ang wikang ginagamit nila ay Filipino, ngunit nang biglang yumaman ay pa-English English na. Gayun din sa mga palabas Korean at Mexican shows na pinapalabas dito sa atin na tina-translate natin sa wika natin. Ngunit, pati sa translations, ang mga mayayama na character ay Ingles ang pananalita. Ang malinaw na demarkasyon dito ay ang sa pagitan ng mayayaman at mahihirap. May 'class' kapag gumagamit ng wikang Ingles, at wikang Filipino sa mga mahihirap. Sa opinyon ko, parang medyo nakaka-degrade siya para sa isang Pilipinong tulad ko kasi 'di ba pang mahirap lang ang paggamit ng wikang Flipino.
Merong mga palabas na depende naman sa target market nila ang paggamit ng wika. Tulad na lang ng palabas na Livin' It Up ng QTv 11, wikang Ingles ang ginagamit ng mga hosts dito dahil ang mga fini-feature nila sa kanilang show ay mabenta sa kanilang mga target viewers: ang mga "yoppies" (tama ba?) o mga young professinals at ang mga well-off at mayayaman na mga tao na kalimitang Ingles ang ginagamit. 'Di tulad ng mga programang pang-masa ang tema tulad ng Wowowee at Eat Bulaga na wikang Filipino ang ginagamit. Si Diana, isang Brazillian na kabilang sa mga hosts ng Eat Bulaga, ay tinuturuan pa ngang managalog. Sa radyo naman, ang 101.9 For Life na radio station ay Filipino ang wikang sinasalita dahil ang target market nila ay ang masa.
Napansin ko din sa mga politiko, halimbawa ang mga senador, nakita ko sa kanila na kapag nasa Senado sila at kaharap ang kapwa senador at iba pang mga opisyal, ang medium of communication nila ay Ingles ngunit kapag ini-interview ng media, halong wikang Filipino at Ingles ang ginagamit dahil kumbaga, masang Pilipino na ang kanilang "kinakausap." Lalo na kapag sila'y nangangampanya, kapansin-pansin ang kalimitang paggamit nila ng ating wika, upang maipahayag ang kanilang mga plataporma sa mga boboto at magluluklok sa kanila sa pwesto. Plus pogi o ganda points din kapag ang iba pang wika dito sa Pilipinas ay ang kanilang mga pambati sa kampanya. Ang nakaraang SONA ni GMA ay halong Ingles at Filipino. 'Di gaya ng mga nakaraang SONA ng mga dating pangulo, ang wika natin, although may halong Ingles pa rin, ang kanyang ginamit, which is tama nama, kasi ang SONA ay nilalahad para sa mamamayang Pilipino.
Hinggil naman sa ika-apat na usapin, para sa akin, ang equality sa internet ay natatamo lamang ng mga may access dito, ngunit sa sinabing statistics ni Sir, which I didn't expect na 16% lang ang porsyento ng mga Pilipinong may access sa internet, mukhang malayo pang mangyari ang equality sa nbansa trough internet. Kasama na sa statistics na ito ang mga gumagamit ng internet for gaming purposes lang at bilang halimbawa, tulad ko, gumagamit lang ako ng internet kadalasan for research purposes lang. So kung madami kaming ganun pa lang ang purpose ng net for us at 'yung iba for gaming lang, malabo na yata 'yung sinsabing equality sa paraang kahit na sinong Pilipino ay may kakayahang magsalita o mapakinggan gamit ang internet. Sa mga ang passion ay ang mag-blog ng mag-blog, they can say that equality is present. Kakarinig ko lang sa isang palabas sa QTv 11, habang ginagawa ko 'to, ang isang blogger enthusiast ang linyang ito: "may internet ka lang, may voice ka na." Well, true enough for them kasi mahilig sila mag-blog, pero not all Filipinos have access nga, based na rin sa statistics.
Tricia dela Cruz from 1-2:30 WF class
Napaka-bigat ng impluwensiya ng mass media sa kasalukuyang pamaraan ng pamumuhay ng lipunan. Hindi naman ako salungat dito, ang sa akin lang, marami sa mga ipinapakita sa media ay mga bagay na hindi naman dapat gayahin. Ang pinaka apektado pa sa impluwensiyang ito ay ang mga bata dahil sila ang madalas na nanonood at sila din ang may tendency na gayahin lang kung anong nakikita nila dahil wala pa sila sa tamang pag-iisip.
Ang isang halimbawa ay ang pagbalita sa mga eskandalo ng mga celebrities sa mga showbiz talk shows katulad ng The Buzz at Startalk. Naiintindihan ko naman kung bakit sabik na sabik ang mga tao sa mga artistang ito, ako din naman ay maraming idol sa hollywood. Ang ayoko lang ay lagi nalang inuusisa ang mga personal na buhay nila na para bang may magandang mapupulot sa paglalantad ng mga ito. Lagi nalang pag manonood ako, ibabalitang nagbugbugan sa bar sa ganito, nagbangayan sina ganito, kabit pala si ganito. Sa nakaraang taon yata, hindi mo mabilang ang mga dalagang nabuntis (Jennylyn Mercado, Camille Prats, girlfriend ni Dennis Trillo…atbp). Napakarami at paulit-ulit nalang bawat linggo na para bang normal na lang sa atin. Kahit ang mga news program katulad ng 24-oras ay may chikka minute na segment na para bang kasing-halaga ng mga tsismis na ito ang balita. Ang mahirap pa dito ay tinitingala sila ng ibang tao kaya minsan ay parang ang sarap gayahin ng mga pinag-gagawa nila. Ngayon tuloy unti-unting nagiging acceptable ang mga bagay katulad ng premarital sex, teenage pregnancy, divorce, live-in na para bang ang mga ito ay iba’t ibang klase ng alternatibong lifestyle na pwede nating pagpilian.
Isa pang halimbawa ay ang violence na makikita sa iba’t ibang forms ng mass media. Andyan ang mga video games na puro barilan at patayan, mga biolenteng palabas sa tv at mga ganster na music video. Pinapalabas na isang napaka-astig na skill ang pagiging bihasa sa pagpatay. Ngayon tuloy ay parang napaka-baba ng value ng buhay ng tao. Kapag may mababalitaan kang may nabaril o may nasaksak, magugulat ka ngayon pero bukas ay makakalimutan mo nalang. Na-desensitize na tayo sa mga bagay katulad ng pagsalvage, pagholdap at giyera dahil lagi nalang natin itong nakikita sa tv, ultimo bata nga ay naglalaro ng toy gun. Nagpapasalamat nalang ako at hindi pa nangyayari sa atin ang trahedya katulad ng sa Virginia Tech at Columbine. Hindi pa siguro ganon kalala ang pagkalulon natin sa mga biolenteng video games sa puntong may ibang kabataan na papasok nalang isang araw sa eskuwelahan para patayin ang mga kaklase at teacher.
Sa mga halimbawa na ito, makikita na napakalakas magpatakbo ng isip ang mass media. Wala namang mali dito, sana lang ay ginagamit ito sa mabuting paraan. Ang isang halimbawa ng mabuting paraan ng paggamit sa media ay ang paggawa ni Al Gore ng pelikulang An Inconvenient Truth. Sa kanyang Oscar award winning documentary na ito, naipahayag niya sa maraming manonood ang peligro ng Global Warming. Ito ay patunay lamang na maraming maidudulot na maganda ang mass media kung mga mensaheng may katuturan at kabuluhan ang ipaparating gamit ito.
Camilla Bontogon
Sa panahon ngayon, marahil isa ang mass media sa mga nakakaimpluwensya ng malaki sa pamumuhay at paniniwala ng mga Pilipino. Araw-araw, kahit saan tayo tumingin, may mass media. Kabilang na rito ang telebisyon, radyo, dyaryo, mga billboards, at marami pang iba. Ang ideolohiya ay ang sistema ng paniniwala ng isang tao, grupo ng mga tao o lipunan. Dahil sa lumalawak at patuloy na impluwensya ng mass media sa mga Pilipino, unti-unti nang naaapektuhan ang ideolohiya at paniniwala ng mga tao. Kung ano ang nakikita, nababasa o napapnood ng mga tao, may posibilidad na iyon ang gawin nila o iyon ang paniwalaan nila. Kaya nga importante na ang mga pinapalabas at isinusulat para sa publiko ay totoo at maaring makatulong sa pamumuhay nating mga Pilipino.
Marahil ay nagtataka ang karamihan kung bakit ang entertainment at kita pa rin ang una para sa mass media. Simple lang naman. Kung wala ang mga ito, hindi tatangkilikin ng nakararami ang programa/dyaryo. Halimbawa sa isang broadsheet o tabloid, kung walang mga advertisers na mag-aadvertise sa mga pahina, magiging mahirap ang sirkulasyon at printing dahil kulang sa pondo. Sa mga programa naman sa telebisyon, kung walang mga commercial/advertisements, malulugi ang programa at baka hindi na rin ito ipalabas. Nakakalungkot man isipin, pero ganoon talaga ang pamamalakad ngayon. Hindi lang basta-basta nailalabas ang mga isyu na dapat pinapaalam sa mga tao. Kailangan rin isaalang-alang ang entertainment at kita para tumagal sa mga larangan na ito ng mass media.
Sa mga accent naman, marahil binabatay ang mga accent/wika sa target audience. Halimabawa, ang mga noontime shows at talk shows kadalasan ay nasa wikang Filipino. Ang mga nanonood kasi ng mga ganitong klaseng palabas ay karamihan masa. Kung nasa wikang Ingles naman ang palabas, kadalasan ito yung mga educational or news program. Bihira rin ang alam kong programa na gumagamit ng Ingles lalo na sa ABS-CBN at GMA. Sa Studio 23 at sa ANC may ilang mga programa na nasa wikang Ingles.
Ang Internet naman ay napaka-popular sa mga kabataan ngayon. Isama na ang mga online gaming, chatting, social networking, video streaming, blogging at marami pang iba. Ngunit hindi naman lahat ay may access dito. Limitado lang ito sa Metro Manila at sa ilang mga siyudad/lalawigan. Kaya ang karamihan rin ng mga internet users ay mga taga-Maynila, siguro nasa middle to upper class.
Patricia Flores
W,F 1:00 - 2:30
Post a Comment