Monday, August 18, 2008

GMA 7 at ang Buwan ng Wika

Kasalukuyang lumalabas sa GMA 7 channel ang patalastas nila hinggil sa "Buwan ng Wika." Nakakatuwa na sinabi sa patalastas na ito ang pangungusap na "Mahal ko ang aking wika" sa walong pangunahing wika sa Pilipinas (Ilokano, Pangasinense, Kapampangan, Bikolano, Waray, Ilonggo, Cebuano, at Tagalog). Gayunpaman, nakakabahala na sa kabila ng nagmimistulang promosyon sa mga wika sa Pilipinas at pagmamahal sa sariling wika, nananatiling blangko ang mga katagang iyon. Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagmamahal sa wika?

Bago maging "Buwan ng Wika" ang buwan ng Agosto, kinilala muna ang isang linggo sa buwang ito bilang "Linggo ng Wika." Nakabase ang taunang selebrasyong pangwikang ito sa kaarawan ni Manuel Quezon. Tinaguriang "Ama ng Wikang Pilipino" si Quezon dahil noong panahong hinuhubog pa lang ang konstitusyong 1935 para sa Commonwealth Government, si Quezon ang nagtulak para sa pagpapahalaga sa wikang pambansa. Dahil sa noong 1930s din sumiklab ang posibilidad ng paglaya sa kolonyalismong Amerikano, panahon iyon ng matinding nasyonalismo sa bansa. Kaakibat ng pagka-bansang ito ang pagkakaroon ng "Pambansang Wika". Dalawang pangunahing school of thought noon. Una, pinanukala ng kampo ni Assemblyman Wenceslao Vinzons (oo, Vinzons ng Vinzons Hall) ang pagbuo ng pambansang wika na base sa lahat ng wika sa Pilipinas. Pangalawa, pinanukala ni Quezon ang paggamit sa wikang Tagalog bilang basehan ng pambansang wika. Dahil sa kilalang pulitikal na kapangyarihan ni Quezon, ang ipinanukala niyang wikang pambansa ang naipasa sa Constitutional Convention. Maraming dahilan kung bakit Tagalog ang ipinilit ni Quezon. Tagalog ang wika sa Maynila na sentro ng bansa. Tagalog din ang wika sa Tayabas na kinapanganakan ni Quezon. "Quezon" ang tawag sa kasalukuyan sa dating probinsya ng "Tayabas."

Dahil sa Agosto pinanganak si Quezon, Agosto rin ang buwan ng wika. Sa pagkakaalam ko, tanging ang Unibersidad ng Pilipinas ang hindi nagdiriwang ng "linggo" o "buwan ng wika". Sa pangunguna ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, itinigil ng UP ang pagdiriwang nito noong unang kalahati ng dekada 90. Bakit nga naman hindi, kung tanging sa isang linggo lamang, tanging sa isang buwan lamang nagkakaroon ng pagpapahalaga sa wikang pambansa? Wikang Pambansa. Wika ito na dapat pinapahalagahan ng buong bansa sa bawat araw ng taon! Sa susunod na buwan, wala na ang patalstas na iyon ng GMA 7. Pustahan pa tayo.

12 comments:

ninarrs said...

Usong uso nga noong gradeschool at high school ang pagkakaroon ng mga paligsahan tulad ng talumpatiaan, Noli Fest (o ang mga play na hango sa mga kabanata ng Noli Me Tangere), at sayawitan. Nadala na rin marahil ng tradisyong ito ang hindi ko pagtatanong kung bakit sa isang linggo lamang o isang buwan ipinagdiriwang ang ating wika. Kung hindi ko pa ito nabasa dito, hindi ko iyon mapagiisipan.

May punto nga ang Unibersidad ng Pilipinas na huwag i-selebrate ang "linggo" o "buwan ng wika". Dapat nga ay buong taon itong binibigyang halaga ng bawat Pilipino. Dala na rin marahil ng kolonisasyon, usong uso sa atin ang magtakda ng mga araw, linggo, o buwan para sa pagdiriwang ng mga mahahalagang araw. Pero naisip ko lang na baka nagmula ang pagkakaroon natin ng buwan o linggo ng wika sa dahilang mas nauna tayong namulat o pinilit na mamulat sa ibang wika tulad ng Kastila at Ingles. Kung mag-iiba man ang kasaysayan, kung Pilipinas ang sumakop sa US, baka may Month or Week of Language sa mga Ingles. Sa pagkakaalam ko walang Month of English. Dahil hindi lang sa isang buwan ang pagpapahalaga sa wikang Ingles, ito na ang pangalawang wika sa buong mundo. Marahil ito pa ang nangunguna kung globalisasyon ang pag-uusapan.

Nais lang siguro ni Quezon na maitatag ang kaisahan ng mga Pilipino gamit ang isang bagay na mayroon ang lahat at ito ang wika. Ngunit, kung ako ang tatanungin, may pagka-biased si Quezon sa pagpili na Tagalog ang wika ng mga Pilipino. Kung siguro itinuring na niyang Filipino ang wikang pambansa natin baka bihasa ang marami sa atin ng walong wika sa Pilipinas. Hindi ba maganda yun? Kung lahat ay kahit papaano nakakaintindi sa walong wikang Pilipino, marahil mas maganda ang tunguhan ng mga Pilipino. Sa pagbibigay ng pag-iisip ni Quezon na Tagalog ang pinakamainam sa walong pangunahing wika, hindi lubos maalis sa ating mga isipan na may "excellent" at "primitive" languages. Mahihinuha na hindi pa talaga nagkakaisa ang mga Pilipino---sa wika pa nga lamang. Marahil, si Pacquiao pa nga lang yata ang nagagawang pagkaisahin ang mga Pilipino. (hehe)

Nina Ramos 2006-33251
WF 2:30-4:00 pm Class

Abby said...

Napansin ko nga rin ang palatastas na iyon. Nakakatuwa nga kasi iba't-ibang dialekto ang mga nandun. Natatandaan ko tuloy na noong hayskul pa ako ay lagi kami nagdiriwang ng linggo ng wika at madaming events sa school namin. Sa buwan nga lang ng August may freedom kami na magsalita ng tagalog in our conversations except for english classes.

Honestly, ngayon ko lang din nalaman kung bakit nga ba august ang buwan ng wika at bakit Tagalog nga ba ang pinili. Pero kung tutuusin, may magandang epekto din naman ang pag-celebrate ng buwan ng wika. Para bang inaalala natin ang pagtatag ng pambansang wika at pagpapahalaga ng wika natin.

Pero kung tutuusin dapat di lang focus natin Tagalog kasi madaming dialekto sa Pilipinas na dapat bigyan din ng pansin. Di ko lubos maisip na kayang ipagdiwang ng ibang lalawigan ang buwan ng wika- kung ito ay tinatag ni Quezon na may pabor sa Tagalog. Sa isyu ng pagkakaisa ni Quezon kaya siya nagtatag ng wikang pambansa (yun ay Tagalog) siguro yun lang ang naisip niya na talagang magpapakaisa ang bayan.

Ang pagtanggal ng UP sa buwan ng wika ay dapat lang. Kitang-kita naman na araw-araw dito sa UP, makikita ang pagkabansa kahit sino ka man at ano man ang lenggwaheng sinasalita mo. Kahit sa medium of instruction, kahit papaano may freedom din. Lalo na sa mga poster ng UP. Sa tingin ko yun dapat ang gawin ng bawat isa. Pahalahagan ang anumang dialekto sa Pilipinas. Ang iniisip ko lang, tayo lang ba ang nag-ce-celebrate ng buwan ng wika. Yung ibang bansa kaya? May punto yung sinabi ni nina ramos, na wala naman month of english sa ibang bansa.

-Abigail "Abby" Villaflor
1-2:30PM WF Class

jm_boquilon said...

Ai 'di ko pa napapanood ang patalastas na iyon, maka-ABS-CBN kasi ang dorm. Nasa youtube ba?

A.Paul said...

Isa nanamang patunay sa pagamit ni Quezon ng "strongarm tactics". Naalala ko lang po, na naikuwento po sa akin ng isang propesor na mayroong similar na gusot na nangyari sa pagitan ni Quezon at ng isang miyembro ng UP. Noong nakaupo pa daw po si Rafael Palma (ng Palma Hall) bilang [chancellor o presidente ba?] ay isa siya sa pinakamalaking kritiko ni Quezon at ng mga polisiya nito. Kaya daw po ang ginawa ni Quezon ay ginamit niya ang kanyang kapanyarihan upang guluhin ang badyet para sa taong iyon at naglaan lamang ng piso (oo, P1.00, isang daang sentimos) para sa badyet ng UP. Wala na nga daw po nagawa si Palma kundi bumaba mula sa kanyang posisyon. Pero matapos ang ilan taon eh naging magkaibigan daw po yung dalawa.

jayverlyn said...

sa tingin ko po, hindi rin nagiging maganda o makaguluhan talaga ang mga selebrasyon na ginagawa. Sa ad po ng GMA7, kungmay impact man po itong maiiwan sa mga manonood, mukhang hindi rin po ito pangmatagalan kundi pangmadalian lamang. Pagkatapos ng pagpapalabas ng Ad ay wala rin masyadong mangyayari. Bakit? Dahil sa walang follow-up po kung baga. hanggang Ad o patalastas lamang dahil kung susuriin ang mga palabas ng istasyon (lalo na ang mga Live shows), mukhang hindi rin napapahalagahan ang wika.

isa pang halimbawa ay ang pagkakaroon ng mga artista at HOSTS na hindi talaga mahusay sa wikang Filipino (parehong ABS CBN at GMA) katulad nina Dj Mo, Donita Rose, Billy Crawford, at yung mga batang artista. (kadalasan ay nabubulol sila sa mga tagalog lines at spiels subalit napakafluent sa wikang Ingles)

sa tingin ko po ay hindi maganda ang epekto nito sa mga manonood lalo na sa mga bata dahil maaari nilang isipin na Okey lang na hindi pagbutihin ang pagsasalita ng wika natin at mas pahalagahan ang pag-aaral ng Ingles.

kung ganito lamang ang magiging anyo ng selebrasyon ng Buwan o Linggo ng Wika, mas mabuti pa nga siguro na huwag na lang itong gunitain. Mas maganda kung Araw araw nating isabuhay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang wika sa ating bansa.

Hindi naman ibig sabihin na kailangang magpaka-makata tayong lahat. hindi naman siguro iyon ang ibig sabihin ng pagmamahal sa sariling wika.

--jayverlyn (8:30-10:00, WF)

siyela said...

Ang ad ng GMA-7 at ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika ay nagpapakita lamang na dito sa Pilipinas ang wika(ang wikang pambansa) ay parang nagiging isang 'simbolo' na lamang. Sa buwan ng agosto na lamang nabibigyang pansin ang ating pambansang wika kasabay ang panitikang Pilipino(na dapat naman talaga ay pinag-aaralan sa mga klase). Mapapansin natin na ingles ang karaniwang ginagamit sa paggawa ng batas, sa pagtuturo,sa negosyo,atbp na kung tutuusin ay Filipino dapat(wikang pambansa nga e - dapat 'pambansa' ang gamit).

- shiela(1-2:30) -

Sarcastic Bastard said...

Pasensiya na sa inyong maaaring mabasa. At sa posibleng kawalang saysay ng mga ito. XD

Parang ine-endorso nila ang paggamit ng mga dialekto.
Kaya wala tayong pagkakaisa sa aspeto ng wika ay dahil sa iba't ibang mga wikang meron ang Pilipinas.
Kung iisipin, walang Pambansang wika ang Pilipinas. Meron lamang tayong dialektong nangibabaw sa iba.
At dahil sa unibersal na batas na nagsasabing panalo ang mas nakakarami, Tagalog ang kinuhang Pambansang Wika at pinangalanan itong Filipino, para siguro hindi halata ang bias.
Para lang yang relihiyon.

At napaisip ako, Paano mo nga ba mamahalin ang isang Wikang hindi mo magawang respetuhin.

Ang mga wika ng ating probinsiya, siguro ay mas katanggap tangap para sa ating respetuhin ito.
Pero paano ka?
Pilipinong Bikolano?
Pilipinong Waray?
Pilipinong Ilokano?
Pangasinense?
Kapampangan?
Ilonggo?
Cebuano?
Paano ang mga Pilipinong hindi Tagalog?

Maaaring mali ako. Sapagkat, pagapak ko ng paaralan ay maayos naman ang pakikitungo namin ng ibang mga studyante. Kaming lahat, galing sa iba't ibang probinsiya.


Isa pa, sumasangayon ako kay binibining Shiela.

Simbolo na nga lang ang Pambansang Wika, kung tutuusin Simbolo lang ng isang grupo ng tao. Hindi mo naman masasabing, Pilipino.
Siguro isang grupo lamang, Tagalog.
Simbolo ng patay na kultura.
Simbolo ng mga naiwan.

Gaano nga ba kahalaga ang Pambansang Wika ngayon?
Hindi masyado, kung iisipin.
Magkakaroon ka ba ng magandang trabaho na mataas ang sahod kapag maganda ang pagsalita at pagsusulat mo sa Filipino?
Hindi rin.
Ang hanap nila ngayon, yung mga taong magaling magsalita ng Ingles.
Hanap ng Media.
Hanap ng mga kumpanya.
Pustahan tayong mas makakakuha ng magandang trabaho ang isang taong magaling mag-Ingles kesa sa isang taong magaling mag-Filipino.
Hindi ba't sinasabi nito kung gaano talaga kahalaga sa atin ang Pambansang Wika. At kung gaano kahalaga sa atin ang Wika ng iba?

Ay, ewan.

At kung iisipin, unti unti ng namamatay at, (sabihin na nating) Bastardized ang wikang Pambansa.

Nais kong ipuna ang pagkakaroon ng maraming (sabihin na nating) perversions ng wikang Filipino.

Ito ang ilan.
1. Taglish o engalog. Yung tipong Conyo.
2. Inappropriate Text Talk. gn2! (ngunit hindi lamang ito ngyayari sa Filipino.)
3. Gay Lingo. Chorva. Eklavuh. Vaklush. Cheness. etc.

Yan na lang po sa ngayon.
Magandang Gabi.

-Nagdaang Nilalang lamang. :)

tics said...

Bagamat hindi talaga ako nanunuod ng GMA 7 napuna ko nga ang patalastas na nasabi. Natutuwa ako sa pagsubok ng naturang istasyon na ipromote ang wikang Filipino, nakikita ko ang kanilang mabuting layunin para sa ikauunlad ng ating salita. Ang hakbang na ito ay magandang paraan upang mamulat ang mga kabataan ngayon sa kahalagahan ng ating sariling wika. napupuna ko din na madalang na rin ang paggamit ng tuwid na tagalog kadalasan ay gumagamit na ng SLANG na salita sa pang araw araw na komunikasyon. Ako rin ay ganito ang ginagamit na paraan ng pagsasalita marahil dala na ito ng ibang paraan ng pagmumulat sa atin ng media. Bagamat ganito ang aking nakagisnan sinisikap ko pa ding magamit ang ating wika sa maayos na paraan. Sa aking pananaw nasa sa atin din ang ikauunlad ng paggamit ng ating wika.

unexpected said...

Hindi kaya magiging mas mainam pa kung sasabihing "Taon ng Wika"?

Sarcastic naman 'ata ng dating.

Napansin ko na nawala ang tunay na kahulugan ng pagdiriwang na iyon. Kahit nga noong elem. at HS days, pustahan pa, kaya excited sa pagdating ng Agosto kasi walang klase! May mga programs na para masabing nagdidiwang ng pagkakakilanlan ng wika. Nariyan ang puspusang pagtatagalog, palaliman pa. Pero naman, makalipas ng araw mismong iyon kahit nga ng programs na 'yun, nawala na lahat. Nananatiling salita na lamang ang "Wika".

Pero para sa akin, hindi naman natin kailangan magdiwang pa, kahit walang pagdiriwang kung batid naman natin sa puso at isipan ang tunay na kahalagahan nito.

Simple. Walang halong pambobola tulad ng ad nila. =')

Lady of 10-11:30 WF class

Del said...

Sa panahon ngayon, masasabi kong sang-ayon ako na walang halaga na ang mga katagang "mahal ko ang aking wika" sa mga Pilipino. Diba't sabi nga nila na kaming mga kabataan ang salamin sa mga mangyayari sa hinaharap? Karamihan sa mga kabataan ngayon ay hindi na gumagamit ng purong Filipino,(kasama na ako dun), kaya masasabi kong mas lumalaganap na ang mga epekto ng globalization at Americanization. Kung mapapansin natin, mas gusto na ng mga tao ngayon magsalita sa Ingles. Parang mas maganda kasi pakinggan at sosyal ang dating mo pag Ingles ang salita mo. Siguro dahil Ingles ang isa sa mga opisyal na wika ng Pilipinas, at ginagamit ito sa iba't-ibang sektor.

Delaney Miram
WF 2:30-4

Lorraine Chua said...

Hindi ko pa nakikita yung patalastas na iyon pero tama nga naman na hindi lamang isang buwan ang kailangan natin upang mahalina ng sarili nating wika. Dapat sa bawat araw na ginawa ng Diyos sa atin ay dapat mahalin at ilaganap natin.

Lorraine Chua said...

-lorraine chua 1-2:30 WF